Monday, April 18, 2011

PISTA NG MGA HIGANTE



PISTA NG MGA HIGANTE

Ipinagdiriwang ang Pista ng mga Higante tuwing ika-23 ng Nobyembre kada taon sa bayan ng Angono, Rizal, bilang paggunita kay San Clemente, ang patron ng mga mangingisda. Itinatampok sa pista ang matatangkad na tao na yari sa papel na dinamitan at pinalamutian ng kung ano-anong bagay upang maging kaakit-akit sa madla. Ang mga "higante" ay karaniwang may taas na apat hanggang limang talampakan o kaya'y sampu hanggang labindalawang talampakan. Itinatanghal at inililibot iyon sa mga bahayan, samantalang ang mga deboto'y nakasuot ng damit-mangingisda.

Ang makulay na selebrasyon na ito ay bahagi ng tradisyonal na pasasalamat ng mga residente ng Angono dahil sa masaganang ani ng mga isda mula sa Lawa Laguna.

Pinagsimulan

Nagsimula ang Pista ng mga Higante nang asyenda pa lamang ang Angono, (kilala bilang Art Capital of the Philippines) at ang mga panginooong maylupa ay nangangamba sa labis na mahal ng pagdiriwang ng pista. Inisip naman ng mga tao na ipagpatuloy ang pista kahit kulang sa salapi. Lumikha sila ng mga karikatura ng mga frayle at panginoong maylupa, at kinasangkapan ang mga pulang lupa (clay) para makagawa ng malalaking maskara. Nang lumaon, pinalitan ang clay at ginamit ng mga taga-Angono ang plaster of Paris at resin. Dinidikitan ng mga papel ang molde, ibinibilad sa araw, at pagkaraan ay pipinturahan ng iba't ibang kulay. Ang katawan naman ng higante ay yari sa kawayan, ngunit ginagamit din kung minsan ang yantok at bara ng bakal.

Noong 1987, iminungkahi ng yumaong Perdigon Vocalan, na isang tanyag na pintor at artist ng Angono, ang paglikha ng apat na higante kada barangay upang sumagisag iyon sa sipag, tatag, at kaakuhan ng naturang mga barangay.

Selebrasyon

Kasama sa prusisyon ng mga "higantes" ay ang imahe ng patron nilang si San Clemente na nakadamit "higante" din. Puros kalalakihan lamang ang nakasuot ng pang San Clemente na nakadamit ng roba ng papa o obispo. Ang mga “parehadoras” naman ay ang mga deboto ni San Clemente na may suot na pang-mangingisda (makukulay na damit, sapatos na gawa sa kahoy na may dalang mga sagwan). Ang street event ay hahantong sa isang prusisyong pandagat na kadalasang ginaganap sa Lawa Laguna hanggang sa maibalik ang imahe ni San Clemente sa simbahan.

Kasabay sa malakas at masayang tugtog ng banda ay ang indayog ng mga kasama sa prusisyon. Habang nagaganap ang parada, libu-libong mga deboto ang nakikisali sa pagsaboy ng tubig sa mga walang kamalay-malay na mga deboto na nakakadagdag ng saya sa selebrasyon.

Lokasyon

Nasa silangang bahagi ng Lungsod Pasig ang Angono, at maaaring marating mulang Pasig sa loob ng isang oras. Dyipni ang karaniwang sinasakyan patungo roon, na bumibiyaheng Pasig-Angono o Angono-Crossing.

Mga Tanyag na Tao

Sentro ng sining ang Angono, dahil dito lumaki si Carlos "Botong" Francisco, Lucio San Pedro, at naging tahanan na rin ng gaya ng pamilyang Blanco na pulos pintor, at nina Perdigon Vocalan, Nemi Miranda, at Angono Artists Collective.