Monday, April 18, 2011

PAHIYAS FESTIVAL



PISTA NG PAHIYAS

Ang Pahiyas ay isang makulay na pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Mayo sa Lucban, Quezon. Sa pamamagitan ng pistang ito, pinasasalamatan ng mga magsasaka dahil sa kanilang masaganang ani ang kanilang patron na si San Isidro Labrador. Ang selebrasyon kalimitan ay isinasagawa sa pamamagitan ng isang prusisyon ng imahe ni san Isidro at ng parada. Lahat ng mga bahay sa bayan ay napapalamutian ng kanilang sariling ani tulad ng mga prutas, gulay, palay, bulaklak, dahon, 'pako' at 'kiping' na siyang nagdadala ng isang makulay na kabuuan.

Kasaysayan ng Lucban

Ang pangalang Lucban ay hinango sa Lucban, isang terminong Ilokano na siya namang tawag sa puno ng Pomelo. Noong unang panahon, tatlong mangangaso na nagmula sa Majayjay, Laguna na nagngangalang Marcos Tigla, Luis Gumba at Lucas Manawa ang naligaw sa hilagang kanlurang bahagi ng Bundok Banahaw. Habang nagpapahinga sa lilim ng isang kahoy, nakakita sila ng isang uwak sa kahoy. Naniniwala silang malas ang uwak kung kaya't lumipat sila sa ibang lugar at muling nagpahinga. Habang nagpapahinga ang tatlo sa lilim ng isang malaking kahoy, nahumaling sila sa mga salaksak na kumakanta malapit doon. Pinaniniwalaang isa itong magandang pamahiin kung kaya't nanatili ang tatlo sa lugar at pinangalanan itong Lucban, ayon sa kahoy kung saan sila nagpahinga at narinig ang magandang huni ng mga ibon.

Ang Lucban ay isa sa mga pinakamasaganang munisipyo sa lalawigan ng Quezon. Ito ay may 26 kilometro ang layo sa Lucena, ang kapitolyo ng probinsiya at 163 kilometro naman mula sa Maynila. Ang munisipyo ay nasa paanan ng Bundok Banahaw at napapaligiran ng Luisiana, Laguna sa hilaga, Sampaloc, Quezon sa kanluran, at Tayabas, Quezon sa timog-silangang bahagi.

Kasaysayan ng Pista ng Pahiyas

Ayon sa mga naitalang kasaysayan ng Lucban, ang piyesta ng San Isidro Labrador ay naunang ipinagdiriwang ng mga Katagalugan na naninirahan sa paanan ng Bundok Banahaw noong panahon ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Lucban noong 1500. Ang mga mamamayan sa Lucban sa panahong iyon ay nagdiriwang sa pamamagitan ng isang simpleng pag-aalay sa mga Anito para sa kanilang masaganang ani.

Sa panahon ng ani, nakaugalian ng mga magsasaka na ipunin ang kanilang ani sa loob ng kapilya ("Tuklong") kung saan sila nagtitipon-tipon at kumakain. Matapos nito ay iinom sila ng tuba na nagmula sa katas ng bulaklak ng niyog, buri o cabo negro (kaong). Naniniwala ang mga katutubo na sa pamamagitan ng pagdiriwang ng ganitong kasiyahan ay magkakaroon silang muli ng masaganang ani sa susunod na taon.

Nang maipatayo ang kauna-unahang simbahan, sa panahon ni Kapitan Lukas Martin (1630) sa ilalim ng pamamahala ni Fr. Alfonso de San Miguel (1628), naging mas hayag ang pagiging Kristiyano ng mga katutubo. Naging matulungin ang mga katutubo sa Kura Paruko. Pagsapit ng anihan, dinadala ng mga magsasaka ang kanilang mga napiling produkto sa loob ng bago at mas malaking simbahan, kung saan naroon ang kura upang basbasan ang mga ani bilang pasasalamat sa Panginoon. Bunga nito, naging masagana ang kanilang ani sa mga sumunod na taon at ito ang nagpatibay sa kanilang debosyon kay San Isidro Labrador bilang tagapag-ugnay sa Panginoon.

Pagdiriwang

Lahat ng bahay ay napapalamutian mga makukulay na kiping. Ang pinaka-tradisyunal at kaakit-akit sa mga palamuti ay nagmula sa "Kiping." Ang kiping ay gawa sa giniling na bigas na hinugis gamit ang dahon ng "caba" at iba pang mga dahon na kinukulayan ng matingkad tulad ng pula, fuschia, dilaw, berde at iba pang matingkad na kulay. Pinagpapasiyahan ng mga hurado ang may pinakamagandang palamuti at ito ang tatanghaling panalo. Bawat taon, nililibot ng mga dayuhan ang lugar upang masaksihan ang paglalagay ng mga palamuti. Tradisyon ng mga taga-Lucban tuwing Pahiyas Festival ang magsabit ng kanilang produktong-bukid sa kanilang mga bintana at pintuan bilang pasasalamat sa kanilang patron.

Isang bahagi din ng pagdiriwang ang pagbabasbas sa mga kalabaw. Ipinaparada ng mga magsasaka ang kanilang mga kalabaw patungong simbahan upang mabasbasan ng pari sapagkat pinaniniwalaang malalayo sila sa sakit at maging ang kanilang alagang kalabaw kung mababasbasan ang mga ito.

Sa pagdiriwang, nagpapamalas ang mga magsasaka ng kanilang mga ani tulad ng sayote, labanos, paminta at mga butil ng palay. Mayroon ding mga minyatura na kilala sa tawag na "Anok", prutas, gulay, at longganisa. Ang ibang mga residente na may ibang kabuhayan ay nagpapamalas din ng kanilang produkto sa pagpapasalamat. Ang isang nahango sa mga gawaing pangkamay ay naglalagay ng palamuti sa kanyang tahanan gaya ng mga buri hats, bag at iba pa samantalang ang isang manlilitson ay nagsabit ng isang ulo ng litson sa kanyang bintana.

Noong Mayo 1963, ang Art Club ng Lucban, kasama ng tagapag-tatag at presidente nito na si Fernando Cadeliña Nañawa, ay nag-organisa ng isang pista na bumubuo ng pagpapalitan ng produkto, palabas kultural, at iba't ibang patimpalak, parada at pagtatanghal upang gawing mas magara ang pagdiriwang ng Pahiyas. Ang layunin ng pistang ito ay ang ipagmalaki ang Lucban at ipakilala ang selebrasyon ng Pista ng San Isidro.

Si Nañawa rin ang unang gumamit ng salitang "Pahiyas", na hango sa salitang lokal na "Payas" na ang ibig sabihin ay "palamuti."

1 comment: