PISTA NG LANZONES / LANZONES FESTIVAL
Lanzones sa Camiguin
Ang lanzones ay isa sa mga tropikal na prutas na matatagpuan sa gitnang-hilagang baybayin ng Mindanao. Ang prutas na ito ay may kulay na pale brown at ang laman naman ay translucent. Nahihinog ang lanzones tuwing ikatlong linggo ng Oktubre.
Ang Camiguin ay isa sa pinakamalaking pinanggagalingan ng lanzones sa Pilipinas, at ang prutas na ito ay ang kanilang pangunahing kabuhayan at pinakamahalagang industriya. Sinasabing ang pinakamatamis na lanzones sa Pilipinas ay nagmumula sa Camiguin.
Selebrasyon
Ang mga lokal na mamamayan ng Mambajao, Camiguin at mga turista ay nagsasaya sa isang linggong selebrasyon na may iba’t ibang aktibidad na nagpapakita ng yaman ng kultura ng Camiguin. Kontribusyon na rin ito ng mga mamamayan upang makilala ang Mindanao bilang isang cultural tourism destination. Ilan sa mga ito ay ang sayawan sa kalsada, parada ng lanzones, agri-cottage industry products exhibits, at beauty pageant (Mutya ng Buahanan). Bukod dito, inaabangan din ang taunang barangay beautification contest, indigenous sports, at iba pang pagpapamalas ng lokal na kultura.
Tuwing pista, ang mga kabahayan, poste, at maging ang mga tao ay nilalagyan ng mga palamuting galing sa lanzones.
Alamat ng selebrasyon
Pinaniniwalaan na ang selebrasyon ay nagsimula sa isang lokal na alamat tungkol sa mag-asawa na humiling na magkaroon ng anak mula sa diwata ng puno ng lanzones. Ipinagkaloob ng diwata ang hiling ng mag-asawa at binigyan sila ng isang malusog na batang lalaki, ngunit nakalimutang magpasalamat ng dalawa. Isang araw, isang babae ang lumapit sa bata habang siya ay naglalaro. Biglang tumumba ang bata at nawalan ng malay. Naisip ng mga magulang na ang diwata ang gumawa nito sa bata. Kaya naman nag-alay ng ritwal ang mag-asawa upang makipag-ayos sa diwata, at hindi nagtagal ay gumaling na ang bata.
Sa sumunod na taon, inimbitahan ang mag-asawa sa kabilang baryo para sa isang ritwal ng pasasalamat. Mula noon, ang ritwal ay naging isang taunang pista na sa Camiguin. Ito ay ginagawa upang alalahanin ang mga seremonya na ginawa ng kanilang mga ninuno sa isla para sa mga diyos na nagbibigay ng magandang panahon at masaganang ani.
No comments:
Post a Comment